Lunes, Nobyembre 3, 2014

Tropang 2nd IBPA, inambus ng BHB

Pahayag sa Media
Nobyembre 3, 2014


Tropang 2nd IBPA, inambus ng BHB


Matagumpay na inambus ng Bagong Hukbong Bayan-Santos Binamera Command
ang dalawang elemento ng 2nd IBPA. Isinagawa ang ambus ng isang tim ng
BHB nitong Nobyembre 3, 2014, alas-otso ng umaga sa Brgy. Anislag,
Daraga, Albay. Nasamsam ng BHB sa operasyong ito ang dalawang
pistolang kalibre 45 (Norinco Serial #BA3710212246 at Norinco Serial
#BA1848708246). Napatay sina Pfc. Dario Manawis at Pfc. Jerome
Sambrona na lulan ng motorsiklo nang tambangan ng BHB. Kasabay ng
ambus na ito, hinaras ng isa pang tim ng BHB ang tactical command post
ng 2nd IBPA sa Brgy. Maopi ng parehong bayan.

Ang lugar ng ambus ay malapit sa anim (6) na kampo at
detatsment/outpost ng AFP at PNP kaya naging kumplikado ang
isinagawang operasyon ng BHB. Sa loob mismo ng Brgy. Maopi, Daraga na
kulang ng isang kilometro mula sa ambush site ay may tactical command
post (TCP) ang 2nd IBPA at 1kilometro din lamang ang layo nito sa
isang outpost ng PNP sa Brgy. Anislag ng parehong bayan. Ang
detatsment ng CMO Batallion, 9ID-PA sa Brgy. Bascaran ay dalawang
kilometro ang layo samantalang tatlong kilometro naman ang layo ng isa
pang TCP ng 2nd IBPA sa Brgy. Del Rosario, Camalig. Ang isang
detatsment pa ng 2nd IBPA sa Brgy. Alobo, Daraga ay apat na kilometro
naman ang layo samantalang halos limang kilometro naman mula sa ambush
site ang mismong kampo ng 903rd Bde PA sa Brgy. Villa Hermosa ng
parehong bayan.

Pinatunayan ng ambus na ito ang malikhaing pleksibilidad ng Bagong
Hukbong Bayan sa kanilang mga taktikal na opensiba at ang kanilang
di-matatawarang katapangan. Sa sinsin ng latag ng tropang kaaway sa
lugar ng ambus, inakala ng mga hambog na militar na hindi sila kayang
birahin ng BHB. Kinalimutan nila ang katotohanan na hanggang suportado
ng mamamayan ang makatarungang digma na nilulunsad ng rebolusyonaryong
kilusan, tiyak itong magtatagumpay.

Masigasig ang BHB-SBC na mabira ng taktikal na opensiba nila ang 2nd
IBPA dahil sa matagal nang perwisyo at salot ang tropang ito sa
mamamayang Albayano. Hindi na mabilang ang mga krimen ng 2nd IBPA sa
mamamayan at ang kanilang mga abusong militar tulad ng panghoholdap,
pagpatay, rape, pambubugbog at pananakot.

Ang matagumpay na ambus ng BHB ay malaking sampal sa ambisyosong
guni-guni ng AFP na matatamo nito ang target na "zero-insurgency" ang
probinsiya ng Albay sa taong 2016. Pati ang LGU-Albay at iba pang
ahensya ay ginagamit ng AFP sa guni-guning ito.

Walang katotohanan ang alegasyon ng AFP na nagdulot ng alarma ang
ambus na ito sa 'evacuation centers' ng Mayon Volcano eruption sa
Brgy. Anislag, Daraga, Albay na lampas isang kilometro na ang layo
mula sa pinangyarihan ng labanan. Alituntunin sa anumang operasyong
militar ng Bagong Hukbong Bayan ang pagtiyak ng kaligtasan ng mga
mamamayang sibilyan kaya't tiniyak ng mga kasama na makakuha ng ambush
site sa bahaging walang mga kabahayan. Bilang pagrespeto din sa
tradisyonal na okasyon ng mamamayan, pinalampas ng BHB ang undas bago
isagawa ang ambus.


Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang mamamayang Pilipino!


Florante Orobia
Tagapagsalita

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento