Kwento ng Buhay at Pakikibaka ni Santos Binamera

Santos Binamera (Ka Walter)

Unang buwan ng 1975 nang makilala ng mga magsasaka sa bahaging Libon-Bato sa hangganan ng  Albay at Camarines Sur ang mga unang kasamang nakipamuhay at nakituloy sa kanilang mga  dampa.

Isa sa mga unang naugnayan sa Brgy San Isidro sa bayan ng Bato ang magsasakang si Santos  Binamera. Isang mala-ligal na Pangkat sa Gawaing Masa ang pumakat sa kanilang lugar para sa  gawaing ekspansyon.

Madaling nakapalagayan ng loob ni Santos ang mga bagong kakilala na mahuhusay makipagtalakayan ukol sa aping kalagayan nilang mga magsasaka. Nakagiliwan na rin niyang makinig sa kanilang masasayang kwentuhan at biruan. Madalas siya noong sumasabay sa mga  lakaran ng kanyang mga kaibigan para makinig sa kanilang pulong. Naging kaibigan niya ang mga ito. Sa mga pagtitipong iyon naging interesado si Santos sa mga talakayan ukol sa mga isyung pambayan at sa pagbabago ng lipunan. Namulat siya sa ugat ng kahirapang kinasasadlakan ng kanyang pamilya at ng kapwa niya mga magsasaka.

Isinilang si Santos sa isang pamilya ng maralitang magsasaka sa Malinao, Albay. Tulak ng karukhaan, napilitan ang mga magulang na ipagpalit sa konting halaga ang limang taong gulang na batang si Santos. Kaya sa kamag-anak siya lumaki.

Batbat din sa hirap ang buhay na dinanas niya sa piling ng pamilyang kumupkop sa kanya. Hindi  siya nakapag-aral. Madalas niyang ikwento na noong bata pa siya, kapag nakagawa siya ng isang bagay na mali, nirarapas* siya ng pantali ng kalabaw. Subalit, higit na tumimo sa kanyang murang isip ang mga pangaral ukol sa wastong gawi at pag-uugali. Sa murang edad, naikintal sa kanyang isipan ang pagpapahalaga sa paggawa ng tama at makatwiran. Kaya sinikap niyang laging gawin kung ano ang tama.

Nakapag-asawa siya ng taga-Brgy Cawagan sa bayan ng Bato. Nagkaroon sila ng tatlong anak. Nagsikap silang mag-asawa na maitaguyod ang pag-aaral ng mga ito. Magkatuwang silang mag- asawa sa  pagbubukas ng lupang matatamnan. Magkatulong sila sa pagkaingin sa masukal na lupain at maging sa pagtatanim. Nakitira lamang sila noon sa kapwa din nila maralitang magsasaka.

Nang dumating ang Hukbo sa kanilang buhay, madaling nasapol ni Santos ang kawastuhan ng pagrerebolusyon. Mayo 1975, nagpakilala na ang kanyang mga kaibigan na sila’y mga NPA. Nang
imbitahan, wala siyang pag-aatubiling sumampa sa hukbong bayan. Bago pumakat sa yunit,
kanyang isinaayos ang kalagayan ng asawa at mga anak.

Kasabay na siya ng isang tim ng mga kasamang tumulak papunta sa prubinsya ng Albay para magpulong at mag-aral. Ang kanilang tim ay pormal na binuo bilang Sandatahang Pangkat Pampropaganda. Isang iskwad na nasasandatahan ng maiikling baril, granada, at itak. Pumakat ito sa erya ng Bato-Balatan-Bula.

Bilang mahusay na pulang mandirigma, nagpursige siyang mag-aral. Malalim niyang sinapol ang  mga rebolusyonaryong prinsipyo, at maging ang pag-aaral ng ABAKADA ay kanyang pinagsikapan.

Buong galak niyang ipinagmalaki na “sa NPA na ako natutong magbasa at magsulat”. Kahit sa mga bata, nagpaturo siyang magsulat at magbasa. Makalipas lamang ang dalawang taon, mahusay na siyang magbasa at magsulat. Kinaya niya na ring magbigay ng mga pag-aaral sa masa.

Nang buksan ang Ruben Sambajon erya, isa siya sa mga kasamang ipinakat dito. Nakilala siya bilang Ka Walter ng mga kasama at masa. Masipag at masigasig na kasama. May taas na limang talampakan at apat na pulgada, makisig ang pangangatawan, maputi ang balat at medyo kulot ang buhok. Palabiro at masayahin. Inaaliw niya ang mga kasamang nakita niyang medyo matamlay. Maalaga rin siya sa mga kasamang may sakit.

Alaala din siya ng masipag na pagtaguyod sa mga pulong ng mga kasama. Kaya niyang maghakot ng mabibigat na suplay. At, isa siyang mahusay na manunula at manganganta.

Tuluy-tuloy ang masikhay na paggampan ni Ka Walter sa mga gawain sa pagrerebolusyon. Ni minsan ay hindi siya nakitaan ng pananamlay o pagkapagod sa mahirap at masalimuot na buhay sa kilusan. Buong tatag niyang hinarap ang sakripisyo at pag-aalay ng sarili para sa bayan.

Mahusay rin niyang pinagsikapan ang pagtataas ng antas ng kamulatan ng kanyang pamilya hanggang sa makumbinsi ang kanyang asawa na magpultaym din sa hukbo noong 1978.

Bandang ikalawang kwarto ng 1979, naatasan siyang sunduin ang isang kasama mula sa Albay upang giyahan at iugnay sa mga kasama sa Camarines Sur. Si Ka Lucas (Lucio de Guzman)** ay ihahatid sana niya sa Libmanan nang makubkob sila habang nagpapahinga sa Brgy Pulang Daga sa Balatan, Camarines Sur. Ligtas na nakaatras si Ka Lucas. Nagbuwis ng buhay si Ka Walter.

Noong 1987, pinagtibay ng Komiteng Prubinsya sa Albay ang pasyang ipangalan kay Kasamang Santos Binamera ang pamprubinsyang kumand, bilang pagdakila sa kanyang pagiging huwaran sa simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka.

- – -

*nirarapas – hinahampas
**Si Kasamang Lucio de Guzman ay namartir sa Mindoro kung saan ipinangalan sa kanya ang
kumand ng BHB sa isla.

-----
Browse:
http://silyab.wordpress.com/pairaya/
http://sbcbicol.wordpress.com/2011/04/29/ka-walter-santos-binamera/


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento